Tagumpay
June 23, 2021

Sa kabila ng pagod at hagulgol, may mga boses na masikip ang yakap sa isipan ni Juan. Ilang buwan na ang nakaraan noong nawala ang kanyang kalayaang gumala at madalas din niyang sinusubukang maging masaya pero ‘di limit ang kalagayan niyang lagi nadudulas paalis sa pag-usad.

Biktima si Juan ng lockdown na dulot ng Coronavirus. Kasama nitong mapanglaw na katotohanan ay ang paglipat ng buhay sa teknolohiya. Batid niya ang paghilaw ng kanyang balat, ang halos permanenteng pagyuko ng kanyang likod, at ang labis na kakulangan niya sa kaalaman tungkol sa kung ano na ang tunay na mundo pero wala sa kanya ang kakayahang magbago ng reyalidad.

Tinapon niya ang oras ng pangamba sa mga memes kasabay ng tanghalian. Unti-unting nahulog ang kanyang mga nakikita mula sa katatawanan hanggang sa mga pamukaw-sigla. Sa puntong iyon, naramdaman niya ang pagbalik ng kinagisnan niyang “siya”. Nagbalik ang tuwa at siglang mabuhay at “sa wakas”, sabi niya kasabay ng malalim na paghinga habang nakangiti muli ang kanyang pagkatao sa lahat ng bagay.

Nakapaglinis siya ng bahay, nakapag-luto ng hapunan, at nakapag-post pa ng kaniyang mga litrato. Ngunit sakto sa kanyang pag-indak sa paborito niyang masisigasig na mga kantahan, natapos ang saya sa panahon na matapos ang tugtugin. Kitang-kita nya sa buhay ng iba sa Social Media na nahuhuli pa rin siya.

Hindi nya inaasahan na umayos ang lahat sa minutong sasaya siya at buong puso ang tanaw sa mga nag- like ng kaniyang post pero sa segundong naglaan siya ng oras para sa post ng iba, napagtanto niyang pilit ang ligayang natagpuan niya at ‘di sapat ang ‘ligaya’ na nagkaroon siya dahil sa kakaonting bilang ng reacts na nakuha niya. Tinignan niya ang sarili niya at wala siyang nakita bukod sa isang hibang na nagpakain at nagpauto sa sinabi ng mga tao sa social media na siya’y maayos at masaya.

Sa kanyang harapan ay ang isang nakangiti at nangingiyak-iyak na repleksiyon ng kaniyang nadudulas na katinuan paalis sa kasiyahan na noong nakaraang minuto lamang ay para bang naramdaman niya. Bigo at naguguluhan, sinigawan niya ang repleksiyon, “Sino ka? Anong kailangan mo? ‘Di ko kasalanang nauudlot tayo sa sitwasyong ‘to kaya pwede ba makuntento ka na?”

Alam niyang sawa na siyang lagyan ng maskara ang mga emosyon niya pero salamat sa kagustuhang makakita ng pagasenso tulad ng iba, kalidad-plastic na lamang ang kaligayahang mayroon siya. Muli, naliligaw nanaman siya. Ngunit sakto, karamay niya sa pagluha ang biglaang tugtog ng ‘Tuyo na’ng Damdamin’.

Matapos ang pagdaloy ng luha at ng kanta, nakahinga siya ng malalim. Sandaling naging payapa ang lahat. Dahan-dahan siyang umupo at bumungad sa kaniyang harapan ang kaniyang cellphone. Naisip niya na baka kahit papaano ay nadagdagan ang likes ng kaniyang post. Ngunit matapos ang ilang minutong kaganapan, nakita niya ang kaniyang kamay na inaabot ang cellphone at napagtanto na kaya niyang magbago. Sa kabila ng ilang buwan ng kaniyang kinagisnang pagod at hagulgol, pinalaya niya ang sarili nya paalis sa mga boses na masikip ang yakap sa isipan niya at sa buhay teknikal.

1ST PLACE – SHORT STORY MAKING A DIFFERENCE IN THE DIGITAL WORLD
AYEN MARFIL
15 years old
Female

Share This