CeLOLOphone
June 23, 2021

“Apo…”

“Apo, gising ka na ba?”

“Apo, paano ba ito?”

“Apo, paki-ayos nga ito”

“Apo, ano nga ang password ko sa fb?’

Hayst! Si lolo talaga lagi na lang akong hinahanap, lagi na lang akong miss na miss. ‘Yan lang naman ang bumubungad sa akin sa araw-araw at hindi man lang muna ako pinagmulat ng mata o di kaya’y pinagtanggal ng muta. Hindi muna man lang ako pinaghilamos o inabutan ng tinapay. Grabe ka talaga, lo!

“Lo, bakit po?” tanong ko na boses antok-antok pa.

“Nagising na po” syempre biro lang hindi ko naman kayang sabihin yun kay lolo.

“Ang alin po, lolo?”

“Patingin nga po” Syempre bumangon na rin ako at ipinaupo si lolo sa kama.

“Lo, sabi ko naman ho kasi sa inyo, isulat na natin sa papel. Ang password niyo po ay capital M, A, R, I, A na pangalan ni lola, underscore 21941 na birthday ni lola at letrang o dahil sabi niyo ho ay paborito niyo itong letra dahil sa isang letra na yun ay naaalala niyo ang nagpasaya at nagpabago ng buhay niyo dahil sa salitang oo. Yung underscore po yung linya na nasa baba at hindi po yung nasa gitna dahil dash po ang tawag dun. Caps lock po ang Maria, at ibig sabihin po ay nakalock ang capital o puro malalaking letra. Bale, ang password niyo po ay MARIA_21941o”

“Ayy! Oo nga, apo! Pasensya na at laging naglo-loading ang utak ko dahil sa katandaan, hindi bale bukas alam ko na ito, kaya ko na.

Salamat, apo!” Ang masiglang pahayag ni lolo.

“Sige po, lo! Maghihilamos po muna ako at mag-aalmusal. Kumain na ho ba kayo?”

Wala akong narinig na sagot kaya dumiretso na lang ako sa banyo. Panigurado naman bukas ito ulit ang magpapagising sa akin. Daily routine na namin ito eh. Hayy! Naaalala ko na laging sinasabi ni lolo at paniguradong madalas din naririnig ito ng lahat.

“Cellphone kayo ng cellphone”

“Kakagising lang at cellphone agad ang hawak”

“Sige madapa kayo, puro cellphone kasi ang inaatupag niyo at ayaw tumingin sa dinadaanan”

“Nasa hapag tayo ibaba niyo na yang mga iyan, hindi kayo mabubusog diyan”

“Nung bata kami walang ganyan, nilalakad lang namin para makapag-aral at maswerte kayo at lumalawak na ang teknolohiya.”

Pero ngayon, sino kaya ang gumigising sa umaga para i-check kung nag-chat ba ang mga amigos at amigas niya. Sino kaya ang nagsastatus ng feeling blessed at nagpopost sa facebook ng “Goodmorning! Kain po tayo!” at may #feelingblessed #monggothursday pa. Sino kaya ang hindi makakatulog ng maayos kung hindi makakapanood sa Youtube ng Ang probinsyano at mga pelikula ni FPJ. Hindi ako nagrereklamo pero siguro nga tama na dapat walang nahuhuli at hindi natin sila hayaang mahuli dahil nung mga panahong wala tayong alam ay sila ang naubusan ng pasensiya para lang tayo ay maturuan, magabayan at mabantayan kasama ang ating mga magulang. Kung kaya’t kahit araw-araw pa akong magising o mawalan ng tulog ay may pasensiya akong tuturuan at ipaliwanag ang lahat kahit paulit-ulit pa basta malibang, ligtas at hindi lalabas si lolo. Lahat ay gagawin ko para kay lolo.

2ND PLACE – SHORT STORY MAKING A DIFFERENCE IN THE DIGITAL WORLD
LANISE
17 years old
Female

Share This